Quezon City – Arestado ang isang lalaki matapos magwala at maghagis ng molotov sa labas ng istasyon ng GMA Network sa Quezon City, kahapon.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), nagpumilit na pumasok sa loob ng GMA Network ang 38-anyos na lalaki para umano magreklamo.
Nang pigilan ng mga guwardiya, nagwala ang lalaki at inihagis ang dalang molotov.
Bagaman hindi nagdulot ng pinsala ang pagsabog ng molotov na naglalaman ng gas, nagdulot naman ito ng takot sa mga tao sa lugar.
Narekober sa lalaki ang tatlong molotov at isang lighter.
Nabatid na noong isang buwan ay nanggulo rin daw ang suspek sa lugar habang may bitbit na kutsilyo.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente at inaalam kung may problema sa pag-iisip ang lalaki.