LAGUNA – Huli sa entrapment operation ang isang lalaking namemeke raw ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte at nagtitinda rin ng quarantine pass noong Huwebes.
Kinilala ang suspek na si Marvin Cuna, residente ng Biñan sa nasabing lalawigan.
Ayon kay Presidential Anti-Corruption Commision (PACC) Commissioner Grego Belgica, nakatanggap sila ng sumbong mula sa ilang residente na ibinebenta raw ng suspek ang mga quarantine pass sa halagang P1,500 hanggang P3,000.
Pineke rin umano ni Cuna ang pirma ng Presidente sa mga dalang dokumento makaraang nagpakilala na miyembro ng Presidential Task Force on Moral Recovery.
Subalit sa isang official statament, nilinaw ng Office of the President na hindi sila konektado sa salarin.
Narekober sa suspek ang ilang pekeng ID, dokumento, at marked money na ginamit sa operasyon.
Lumabas sa imbestigasyon na kabilang si Cuna sa isang non-government organization na nagpa-accredit sa isang ahensiya ng gobyerno upang boluntaryong tumulong sa mga apektado ng krisis.
Hawak ngayon ng NBI-Laguna ang suspek na kinasuhan ng paglabag sa Bayanihan To Heal As One Act of 2020 at falsification of documents.