Lalaki, Huli sa Pagpapaputok ng Baril sa Sementeryo!

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang lalaki matapos itong magpaputok ng kanyang baril kahapon sa pampublikong sementeryo sa Brgy. San Ignacio, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Rowoin Tumolva, 34 anyos, construction worker, at residente ng Sitio Tubo, Brgy. San Ignacio, City of Ilagan, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), habang nag-iikot sa lugar ang intelligence operatives ng PNP Ilagan City ay nakarinig ang mga ito ng dalawang magkasunod na putok ng baril na agad namang nirespondehan.


Dito na naaktuhan si Tumolva na may hawak na Cal Magnum 22 revolver na may dalawang bala at isang basyo nito.

Nakumpiska sa pag-iingat nito ang naturang baril kasama ang mga bala.

Dinala na sa himpilan ng pulisya ang suspek maging ang narekober na baril para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments