
Isang lalaki ang inaresto ng pulisya matapos umanong magbanta at magpaputok ng baril sa isang insidente sa San Carlos City, Pangasinan, kagabi, December 9, 2025.
Ayon sa paunang imbestigasyon, ang biktima na isang 36-anyos na construction worker ay bumibili ng sigarilyo sa isang tindahan sa lungsod nang dumating ang suspek, isang 56-anyos na caretaker. Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa suntukin ng suspek ang biktima sa kaliwang pisngi.
Dagdag pa ng ulat, naglabas umano ng maliit na baril ang suspek at itinuro ito sa dibdib ng biktima habang nagbibitiw ng banta. Kalaunan ay ibinaba niya ang baril at pinaputukan ang kalsada bago tumakas dala ang nasabing armas.
Agad rumesponde ang mga pulis at naaresto ang suspek sa kanyang tirahan. Gayunman, hindi na narekober ang baril na ginamit sa insidente. Dinala ang suspek at ang biktima sa ospital para sa medico-legal na pagsusuri at pagkatapos ay sa San Carlos City Police Station para sa wastong disposisyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









