Lalaki itinago sa wig ang cocaine na ipupuslit, dinakip ng pulisya

Image via National Police Spain

Arestado ang isang lalaki sa Barcelona International Airport matapos tangkaing ilusot ang dalang cocaine na kanyang inilagay sa suot na wig.

Sa ulat na inilabas ng Reuters, natagpuan ng awtoridad sa ilalim ng wig ng salarin ang kalahating kilong droga noong Hunyo 18. Kinilala ang suspek bilang isang Colombian national.

Ayon sa airport police, pinaghinalaan nila ang lalaki dahil agaw-pansin ang pelukang nakaumbok na tila hindi angkop sa nakagawiang sukat at hindi mapakali habang nasa paliparan.


Matapos ipatawag at ipatanggal ang wig, sumambulat sa mga pulis ang cocaine na  nakapatong pala sa bumbunan.

Dagdag pa ng pulisya, “in perfectly sealed package taped” ang ipinagbabawal na gamot.

Umaabot sa halagang mahigit 30,000 euros o P1.7 milyon ang nasabat na droga.

 

Facebook Comments