Cauayan City, Isabela- Matagumpay na naaresto ng pinagsanib na pwersa ng mga alagad ng batas ang isang lalaki na tumangay ng sasakyan mula sa Bagabag, Nueva Vizcaya at makuhanan ng ipinagbabawal na gamot sa inilatag na checkpoint sa Brgy. Capirpirawan, Cordon, Isabela.
Nakilala ang suspek na si Joevani Quiron, 32 taong gulang, at residente ng brgy. Sinian, Tuao South, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMSgt Jackson dela Cruz, imbestigador ng PNP Cordon, agad na naglatag ng checkpoint ang kanilang himpilan matapos makipag-ugnayan ang Bagabag Police Station kaugnay sa pagtangay ng suspek ng isang Toyota Hilux na may plakang NCA 8941 na patungo sa probinsya ng Isabela.
Sa inilatag na checkpoint ng mga operatiba ay naharang ang minamanehong sasakyan ng suspek at agad itong hinuli.
Dagdag dito, nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang (1) plastic sachet na naglalaman ng mga pinatuyong dahon ng marijuana.
Ayon pa sa imbestigador, mahaharap sa kasong Carnapping at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ang suspek na kasalukuyang nasa pangangalaga ng pulisya.
Samantala, ayon naman sa pahayag ng ilang mga nakakakilala sa suspek, mayroon umano itong sakit sa pag iisip at itinawag din ng magulang ng suspek sa pulisya na ang kanyang anak ay dumaranas ng depresyon.