Lalaki na nag-alok ng pera para patayin sina Comelec Chairman Garcia at ilang opisyal sa Cebu, sinampahan ng patung-patong na kaso

Pinuri ng Department of Justice (DOJ) ang naging agarang aksyon ng prosecutors makaraang sampahan ng patung-patong na reklamo ang isang lalaki sa Cebu dahil sa mga kontrobersiyal na pahayag.

Nahaharap sa reklamong paglabag sa Section 4 ng Anti-Terrorism Act of 2020 at Cybercrime Prevention Act of 2012 si Gian Carlo Maningo na inaresto noong May 14 sa Mandaue City.

Ito ay dahil sa kaniyang post na nag-aalok ng sampung milyong pisong reward para sa makapapatay kina Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, outgoing Cebu Governor Gwen Garcia at Mayor Raymond Garcia.

Nag-alok din ito ng limang milyong piso para naman bombahin ang lahat ng tanggapan ng Comelec.

Matapos ang imbestigasyon, nakitaan ng prosecutors ng prima facie evidence para kasuhan si Maningo sa Mandaue City Regional Trial Court.

Wala ring inirekomendang piyansa sa kaso.

Ayon sa DOJ, mananagot ang sinumang susubukang manggulo at gagamitin ang digital platforms para maghasik ng karahasan at pananakot.

Facebook Comments