Cauayan City, Isabela- Nakapagtala ng pangalawang kaso ng COVID-19 death ang Lungsod ng Cauayan matapos magpositibo sa virus ang isang lalaki na pumanaw kamakailan.
Si CV2856, 59 taong gulang na residente ng Barangay Mabantad ay binawian ng buhay dakong alas 11:51 ng gabi noong October 30, 2020.
Una rito, nakaranas ng lagnat, pag-ubo at pananakit ng dibdib si CV2856 noong October 25, 2020 dahilan upang siya ay dalhin sa isang pribadong ospital sa kaparehong araw.
Siya ay kinuhanan ng sample noong October 30, 2020 subalit bago lumabas ang resulta ng kanyang swab test ay binawian na ito ng buhay ng kinagabihan.
Nabatid na Pneumonia at Acute Respiratory Failure ang sanhi ng kanyang pagkamatay subalit lumabas ang resulta ng kanyang swab test kahapon, November 1, 2020 na siya ay positibo sa COVID-19.
Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng City Health Office ang history of exposure at history of travel ng nagpositibong yumao.
Kaugnay nito, nasa 61 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Cauayan.