Cauayan City, Isabela- Sa ospital ang bagsak ng isang lalaki na nangtangkang tumakas sa checkpoint matapos mabaril ng sundalo na nagmamando sa checkpoint sa Maharlika Highway ng Namabbalan Sur, Tuguegarao City, Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, pasado alas 5:00 ng hapon, Hunyo 11, 2020 nang impormahan ng PNP Cabagan ang PNP Tuguegarao City kaugnay sa pagtakas sa kanilang checkpoint ng suspek na kinilalang si Yves Emmanuel na isang 24 taong gulang.
Nang mabatid ng PNP Tuguegarao ang impormasyon ay agad na inalerto ang mga nagbabantay sa Namabbalan Sur checkpoint at namataan ang suspek na lulan ng isang Suzuki Raider na motorsiklo.
Pinahinto ni PSSg Mariano Blancad ang suspek at habang kinakausap ito ay pinaharurot ng suspek ang motorsiklo subalit nahablot ng pulis ang kamay nito na dahilan ng kanyang pagkakaladkad ng halos sampung (10) metro.
Habang nakahiga sa lupa si Blancad, inilabas ng suspek ang nakasukbit na baril sa beywang nito at nang tangkang iputok sa pulis ay naunahan ito ng sundalo na si Corporal Roel Maribbay.
Tinamaan sa kanang bahagi ng katawan ang suspek na agad namang dinala sa pagamutan ng Task Force Lingkod Cagayan para sa atensyong medikal.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang (1) piraso ng papel na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na may fruiting tops, isang (1) improvised tooter, isang (1) pirasong robust, isang (1) unit ng cellphone, sling bag, isang (1) unit ng motorsiklo at isang (1) unit 38 revolver na may mga bala.
Inihahanda na ng PNP Tuguegarao City ang kasong isasampa laban sa suspek na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.