Lalaki na Nakahandusay sa Daan, Patay Matapos Magulungan ng Bumbero

1384

Cauayan City, Isabela- Binawian ng buhay ang isang lalaki na nakahandusay sa kahabaan ng pambansang lansangan ng barangay Maligaya, Echague, Isabela matapos masagasaan ng sasakyan na minamaneho ng isang bumbero.

Nakilala ang biktima na si Mark Anthony Ibarra Bauit, 23 taong gulang, binata, empleyado ng convenience store at residente ng brgy. Silauan Sur, Echague, Isabela.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng Echague Police Station, habang bumabaybay ang dalawang witness na sina Rommel Bernabe at Armenio Berdadero ay namataan ng mga ito ang nakatumbang motorsiklo at isang katawan ng lalaki na nakahandusay sa lansangan.

Tumigil ang dalawang witness para tulungan ang biktima ngunit biglang dumating ang isang Toyota Corrolla na may PN XRM595 patungong Santiago City na minamaneho ni Mark Samson Lorenzo, 33 taong gulang, may asawa, bumbero na nakatalaga sa Sampaloc, Manila, residente ng brgy. San Manuel, Isabela kung saan nasagasaan nito ang katawan ng biktima.

Nagtamo ng malalang pinsala sa katawan at ulo ang biktima na agad namang dinala ng Echague Rescue Team sa ospital subalit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng attending physician.

Boluntaryo namang sumuko sa otoridad ang suspek at siya’y dinala sa himpilan ng pulisya kasama ang motorsiklo at sasakyan ng suspek para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments