Lalaki na Nanaga, Sugatan Matapos Barilin ng Pinsan

16

Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pananaga na nauwi sa pamamaril ng dalawang mag-pinsan sa barangay Sto. Domingo, Quirino, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Rufo Figarola, hepe ng Quirino Police Station, nakahanda na ang kasong Frustrated Homicide na kanilang isasampa sa suspek na kinilalang si Angelito Paulo, 42 taong gulang may asawa, magsasaka at residente ng naturang barangay.

Una rito, batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakaupo at nakikipag kwentuhan umano ang suspek kasama ang anak at mga kaanak sa harap ng bahay ni Ginang Antonia Sagadraca nang biglang dumating ang biktima na kinilalang si Frederick Calinda, 37 taong gulang, may asawa kasama ang nagngangalang Ronald Sagadraca, 61 taong gulang na kapwa residente sa lugar.

Dito ay bigla na lamang tinaga ng biktima sa ulo ang suspek kaya’t agad naman nitong inilabas mula sa dalang sling bag ang baril at ipinutok ng tatlong beses sa katawan ng biktima.

Nagtamo rin ng tama ng bala ng baril sa bahagi ng kamay si Ronald Sagadraca matapos itong umawat sa alitan ng biktima at suspek.

Naisugod naman ng mga kaanak sa pagamutan ang biktima para mabigyan ng kaukulang lunas maging ang suspek dahil sa natamo naman nitong sugat sa ulo.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang (2) basyo ng Caliber 45.




Kaugnay nito, nagbigay naman ng mensahe ang Hepe sa pamilya ng magkabilang panig na ayusin na ang gusot upang hindi na humantong pa sa hindi magandang pangyayari.

Facebook Comments