Lalaki na Nangholdap sa Isang Shopping Center sa Santiago City, Natimbog

Cauayan City, Isabela- Bagsak sa kulungan ang isang lalaki na suspek sa pangho-holdap sa isang malaking tindahan sa Lungsod ng Santiago.

Sa isinagawang hot pursuit operation ng pinagsanib pwersa ng Santiago City Police Station 1 at Echague Police Station, nadakip ang suspek na kinilalang si Ernesto Fernando, 39 taong gulang sa liblib na bahagi ng Brgy Dicaraoyan, Echague, Isabela.

Ang pagkakahuli ni Fernando ay sa pakikipagtulungan rin ng Philippine Army na nakabase sa nabanggit na lugar.

Narekober ng pulisya ang tinangay na pera ni Fernando na umaabot sa halagang P144,000.00.

Narekober din ng mga otoridad ang isang (1) motorsiklo mula sa bayaw nito, tatlong (3) cellphone, isang (1) smith and wesson cal 22 revolver na may lamang limang bala.

Mahaharap ngayon sa kasong Robbery with Intimidation, paglabag sa RA 10591 at paglabag sa Omnibus Election Code in relation to COMELEC Resolution No. 10728 ang naturang suspek.

Facebook Comments