Cauayan City, Isabela- Pinalaya na ng PNP Cauayan ang isang lalaki na dinala sa himpilan ng pulisya matapos itong mapagkamalang isang mandurukot sa brgy District 3, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt Escarlette Topinio, Information Officer ng PNP Cauayan City, kanyang sinabi na agad kinuha ang lalaki na kinilalang si Salvador Santos na taga brgy District 2 matapos makatanggap ng sumbong mula sa mga residente at dinala sa presinto upang doon na muna magpalipas ng gabi.
Base sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alaman ng mga imbestigador na lango sa nakalalasing na inumin ang lalaki habang hinahanap ang kanyang anak na dalagita.
Ayon naman aniya sa salaysay ng lalaki, mayroon umanong nakapagsabi rito na ang kanyang anak ay nasa isang bahay sa brgy District 3 kaya’t agad naman nitong pinuntahan.
Nang makarating ito sa isang ginagawang bahay ay mayroon itong nakitang dalawang bata at kanya itong sinitsitan na ikinatakot ng mga ito.
Pinasok nito ang kwarto ng bahay ngunit wala na ang kanyang anak at dahil sa sobrang kalasingan ay itinulog na lamang sa naturang bahay.
Ayon naman sa mga residente sa lugar, nakita umano ng mga ito na may nakasukbit na baril sa beywang ng lalaki kaya’t agad na itinawag sa mga otoridad at kalauna’y nabatid na iyon ay isang pellet gun o peke.
Kaugnay nito, mag-uusap na lamang ang lalaki at may-ari ng bahay para sa ikabubuti sa nangyaring insidente.
Paalala naman ni PLt Topinio sa lahat na huwag pangunahan ang mga pangyayari upang hindi makalikha ng alarma sa mga residente at hintayin muna ang opisyal na statement ng pulisya upang maiwasan ang haka-haka ng bawat isa.