Lalaki na Nasamsaman ng Baril sa ASF Checkpoint, Nakasuhan na!

Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng kasong paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act“ sa pamamagitan ng inquest proceedings ang isang lalaki na nakuhanan ng iligal na baril sa inilatag na ASF Checkpoint ng kapulisan sa kahabaan ng Brgy. Punit, Benito Soliven, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSMSgt Hernan Bustenera, imbestigador ng PNP Benito Soliven, pasado alas 6:00 ng umaga kahapon nang mapansin ang suspek na si Jeremy Obra, 22 taong gulang, binata, residente ng Brgy. San Rafael, Roxas, Isabela na tulak-tulak nito ang kanyang motorsiklo habang papalapit sa checkpoint.

Ayon sa suspek nagkaroon umano ng aberya ang kanyang motorsiklo.


Nang hanapan ng pulis ng kaukulang dokumento ang motorsiklo ng suspek ay wala itong maipakita hanggang sa napansin rin ng pulis na may kahina-hinala sa dalang sling bag ng suspek.

Nang hawakan ng pulis ang bulky na bag nito at tinanong kung mayroon siyang dalang baril ay kusang namang umamin ang suspek kung saan taong 2016 pa aniya ito nabili.

Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang isang Caliber 45 pistol na baril na may kasamang 5 bala.

Nasa kustodiya na ng provincial jail ang naturang suspek.

Facebook Comments