Lalaki na Natutulog, Patay Matapos Araruhin ng Sasakyan

23

*Cauayan City, Isabela- *Tuluyang binawian ng buhay ang isang natutulog na lalaki matapos araruhin ng sasakyan at mapitpit ang katawan sa bahagi ng pambansang lansangan ng brgy. Baybayog, Alcala, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Regal Adviento, may-asawa, residente ng Zone 6 ng Brgy, Baybayog, Alcala.


Una rito, isang Mitsubishi Montero Sports na may plakang UNO 997 na pagmamay-ari ni PLt Zosimo Sambrano, 46 anyos, may asawa, kasapi ng PNP na nakatalaga sa Mallig Police Station, Isabela PPO, residente ng Brgy. Awallan, Baggao, Cagayan ay minamaneho ng kanyang anak na si John Kevin Sambrano, 19 anyos, binata, estudyante at residente rin ng Brgy. Awallan, Baggao.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bumabaybay sa lansangan ang sasakyan na minamaneho ng suspek patungong bayan ng Baggao nang aksidente itong mawalan ng kontrol kaya’t napunta sa kabilang linya ng daan.

Matapos nitong malampasan ang barikada ng DENR Baybayog checkpoint ay aksidente namang sumalpok sa Nissan Sentra na nakaparada sa harap ng automotive shop.

Dahil sa lakas ng pagsalpok ng sasakyan ng suspek sa nakaparadang sasakyan ay nahagip nito ang katawan ng biktima na kasalukuyang natutulog sa gilid ng tractor at sumalpok sa puno ng acasia.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo ang biktima at idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.




Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya, nakaidlip ang drayber ng Montero nang mangyari ang trahedya.

Nagtamo naman ng mga sugat sa katawan ang pito (7) na pasahero ng sasakyan kabilang ang pulis na may-ari nito maging ang asawa nito.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring insidente.

Facebook Comments