Lalaki na Tumatawid sa Lansangan, Sugatan matapos mabangga ng sasakyan!

*San Manuel, Isabela- *Sugatan ang isang lalaki matapos mabangga ng sasakyan habang ito ay tumatawid sa pambansang lansangan ng Brgy. District 1, San Manuel, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Jayson Cafirma, nasa tamang edad, residente ng Brgy. Sta Cruz, San Manuel, Isabela habang ang suspek ay si Arjay Rusell Vasques, 28 anyos, binata, negosyante at residente ng Brgy. Daramuangan Norte, San Mateo, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay PO3 Federico Tulay, imbestigador ng PNP San Manuel, habang binabagtas ni Cafirma ang lansangan ay hindi nito napansin ang paparating na sasakyan ni Vasques sanhi ng pagkabangga nito.


Ayon kay PO3 Tulay, sa kaliwang bahagi lamang umano nakatingin ang biktima kaya’t hindi nito nakita ang minamaneho ni Vasques.

Nagtamo ng malalang sugat sa katawan ang biktima na dinala sa pinakamalapit na pagamutan habang kusang sumuko sa himpilan ng pulisya ang suspek.

Inihahanda na ng PNP San Manuel ang kakaharaping kaso ni Vasques.

Facebook Comments