Lalaki na Umihi Malapit sa Isang Compound, Pinagbabaril-Patay!

Cabatuan, Isabela – Nagmakaawa ang lalaki sa suspek nang barilin ito habang umiihi malapit sa isang compound ngunit pinagbabaril parin sa ulo hanggang masawi sa Barangay San Andres Cabatuan Isabela, pasado alas otso kagabi, June 10,2018.

Sa ibinahaging impormasyon ni Police Senior Inspector Prospero Agonoy, hepe ng Cabatuan Police Station na ang biktima ay kinilalang si Randel William Juan, labin pitong taong gulang at residente ng Barangay Saranay, Cabatuan Isabela, samantalang nasugatan naman ang kasintahan ni Juan na si Marry Jane Calimaran, labin walong taong gulang at residente rin ng nasabing lugar.

Sinabi pa ni Senior Inspector Agonoy na habang bumabaybay sa daan ng irigasyon sa Barangay San Andres ang magkasintahan na sakay ng motorsiklo ay napagpasyahan nila na tumigil upang umihi muna sa lugar, malapit sa isang Velayo’s Residence compound.


Habang umiihi umano si Randel Juan ay isang di pa nakikilalang lalaki ang lumabas mula sa compound at basta na lamang binaril ang dalawa kung saan ayon pa sa salaysay ni Mary Jane ay nagmakaawa pa ang nobyo nito ngunit tinuluyan pa ring binaril ng suspek.

Tumakbo na lamang umano si Mary Jane kahit na may tama ng bala sa kaliwang tuhod at diretsong nagreport sa kapulisan na sa ngayon ay nagpapagaling na sa isang pagamutan.

Kaugnay nito ay mayroong inimbitahan na sa himpilan ng pulisya na posibleng suspek sa nasabing pangyayari upang isailalim sa paraffin test.

Facebook Comments