Nakatanggap ng £36,000 (P2.2 milyon) ang isang lalaki sa France, matapos magwagi sa kaso laban sa dating pinagtatrabahuan na nagdulot umano ng matinding “bore-out”.
Idinemanda ni Frederic Desnard noong 2015 ang perfumery kung saan siya pumasok bilang manager, dahil sa nakakainip na trabaho na nauwi sa kanyang depresyon, ayon sa ulat ng Daily Mail.
Batay sa pahayag ng 48-anyos sa FranceTV, nagpahinga siya ng anim na buwan sa trabaho bago tuluyang umalis dahil unti-unting bumagsak ang kanyang mental health, na ayon sa mga doktor ay may kaugnayan sa matinding pagkabagot.
Sa pagdinig ng kaso, ginamit ang terminong “bore-out” na kabaliktaran ng “burn-out” o overworked, para ipaliwanag ang kondisyon ni Desnard.
Dumepensa naman ang perfume company na hindi raw ipinaalam ni Desnard ang nararanasan nitong “bore-out”.
Mula sa orihinal na hinihinging £550,000 (P34.9 milyon) sa kaso, nakatanggap si Desnard ng £36,000 (P2.2 milyon) noong nakaraang linggo.
Ito ang kauna-unahang pagdinig sa isyu ng “bore-out” sa France, ngunit naniniwala ang ilang eskperto na marami pang nakararanas ng ganitong kondisyon sa trabaho.