Lalaki, nagnakaw ng 2 TV nang hindi niya raw alam

504

GALLUP, New Mexico — Kinasuhan ng pagnanakaw ang isang 24-anyos na lalaki na wala umanong kamalay-malay na tumangay ng dalawang telebisyon.

Inaresto ng pulisya si Sage Aaron Cummins noong nakaraang linggo kasunod ng pagpunta nito sa apartment ng biktima para ibalik ang mga TV, sa ulat ng The Gallup Independent.


Ayon sa pulisya, iniimbestigahan nila ang insidente sa lugar nang lumapit si Cummins at umaming siya ang kumuha ng nawawalang TV.

Sinabi niyang lango siya sa alak noong araw na iyon at ang naaalala niya lang ay ang pagkatok sa bahay ng biktima.

Kinabukasan, nagising na lamang daw si Cummins na may dalawang telebisyon na sa loob ng kanyang kuwarto.

Dalawang araw raw ang nakalipas bago niya nalaman na pagmamay-ari pala iyon ng kakilala ng isa niyang kaibigan.

Gusto raw itama ng lalaki ang nangyari at ibalik ang mga nanakaw na gamit.

Gayunpaman, dinakip pa rin si Cummins na nakalaya rin matapos magpiyansa ng $1,500.

Facebook Comments