Ayon sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nangyari ang insidente bandang ala-una hanggang ala-una trenta ng hapon.
Dumulog sa mga kawani ng Bantay Dagat ang isang grupo upang iulat ang pagkawala ng kanilang kasamahan sa karagatan.
Nabatid na ang biktima, residente ng Barangay Canaoalan, ay nasa ilalim umano ng impluwensya ng alak nang maganap ang insidente.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bantay Dagat at sinubukang sagipin ang biktima. Isinagawa rin ang first aid at cardiopulmonary resuscitation (CPR) bago ito isinugod sa ospital.
Sa kabila ng pagsisikap na mailigtas ang buhay nito, idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang mga mamamayan at turista na maging maingat, lalo na sa pagpunta sa mga pampublikong dalampasigan. Mahigpit ding ipinapaalala ang pag-iwas sa paglangoy habang nasa impluwensya ng alak upang maiwasan ang ganitong trahedya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨