Aksidenteng nalunok ng isang 80-anyos na lalaki sa China ang kanyang pustiso habang kumakain umano ng pancake.
Dinala ang kinilalang si Mr. Shang sa Jinan Central Hospital ilang oras bago niya mapagtantong nawawalan siya ng ngipin, ayon sa AsiaWire.
Kuwento ni Shang, kumain muna siya ng dalawang tinapay at nang nag-pancake na, hindi niya na maramdaman ang mga ngipin.
Tumama ang hula ng matanda na nalunok niya ang pustiso matapos lumabas sa scan ng ospital na may metal na bagay sa loob ng kanyang tiyan.
Nagtamo ng gasgas ang lalamunan at tiyan ni Shang gawa ng tatlong pekeng ngipin na nakakabit sa metal na may patulis na pangkawit sa magkabilang dulo.
Nahirapang magdesisyon ang mga doktor kung paano ito tatanggalin nang hindi na madadagdagan pa ang sugat lalo na sa makitid na lalamunan.
Tumagal ng dalawang oras ang operasyon at ayon sa ulat, inaasahan ang tuluyang paggaling ni Shang.