Lalaki nanloob sa restaurant para magnakaw ng hand sanitizer, mga panlinis

Nanghimasok sa restaurant ang isang lalaki upang kumuha ng hand sanitizer at mga produktong panlinis, na nagkakaubusan ngayong kinahaharap ng mundo ang COVID-19 pandemic.

Tinangay ng hindi pa natutukoy na suspek ang dalawang galon ng hand sanitizer at iba pang panlinis mula sa storage room ng kainan sa Washington D.C, United States, iniulat noong Marso 23.

Hinala ng may-ari na si Chris Sveltik, pinlanong maigi ng suspek ang pagnanakaw dahil nalusutan nito ang mahigpit na seguridad ng establisyimento.


Sinabi rin ni Sveltik, sa ulat ng Washingtonian, na hindi niya napansin noong una na may nanakaw sa kanila dahil hindi nagalaw ang ilang mahahalagang gamit, pati na ang libong dolyar na halaga ng alcohol.

Nalaman lamang nila nang tingnan ng awtoridad ang security footage at madiskubreng tanging mga panlinis lang ang tinangay ng lalaki.

“What he took was very small and kind of heart-wrenching. Apparently cleaning supplies are the number one item in demand right now,” ani Sveltik.

Sumibat sa lugar ang suspek sakay ng bisekletang ninakaw niya lang din mula sa isang residente sa parehong gusaling kinatatayuan ng resto.

Facebook Comments