Cauayan City – Hindi na nakaligtas pa sa kamatayan ang isang lalaki matapos sumalpok sa poste ng kuryente ang sinasakyan nitong kolong-kolong sa Brgy. Bitag Grande, Baggao, Cagayan.
Ang nasawi ay kinilala sa pangalang Elie, 28-anyos, residente ng Sitio Tueg, Bitag Grande.
Ayon sa hepe ng Operations and Warning Section ng Rescue 116 Baggao na si Clifton Dichoso, kaagad nilang nirespondehan ang nangyaring aksidente matapos itong makita sa social media.
Hindi na umano nalaman ang dahilan ng pagkabangga ng biktima sa poste ng kuryente dahil walang mga bahay o tao manlang sa nabanggit na lugar at tanging mga motorista na lamang ang nakakita sa duguan at wala ng malay na biktima.
Sinubukan pang isugod sa pagamutan ang biktima subalit sa kasamaang palad ay ideneklara itong dead on arrival.