Isang 52-anyos na lalaki ang nasawi matapos umanong malunod sa Barangay Pagudpud, San Fernando City, La Union, noong umaga ng Sabado, Disyembre 20.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang biktima, isang tricycle driver at residente ng Naguilian, La Union, ay nangisda umano bandang alas-3:00 ng hapon noong Biyernes, Disyembre 19.
Kinabukasan, nadiskubre na lamang ng isang mangingisda ang katawan ng biktima na nakalubog sa tubig, malapit sa kanyang improvised na styro raft.
Agad na iniulat ang insidente sa San Fernando City Police Station, na rumesponde upang beripikahin ang impormasyon.
Ayon sa awtoridad, ang sanhi ng pagkamatay ay asphyxia o pagkasakal dulot ng pagkalunod.
Hiniling ng pamilya ng biktima na isailalim sa autopsy ang mga labi upang matukoy pa ang iba pang detalye ng pagkamatay nito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.









