Namatay ang isang 55-anyos na biker na biglang tumumba habang binabaybay ang southbound lane ng EDSA Magallanes, Biyernes ng umaga.
Ayon sa Facebook post ni Edison Bong Nebrija, hepe ng MMDA special traffic at transport zone, naisugod pa sa Makati Medical Center ang lalaki pero binawian din ng buhay kinalaunan.
Sa isang panayam, sinabi ni Nebrija na posibleng tinamaan ng heat stroke ang biker.
“To all fellow bikers out there please make sure you’re fit enough to endure the distance and heat while pedaling to work,” paalala ni opisyal.
Hindi muna niya pinangalanan ang nasawing lalaki, pero isa raw itong dating empleyado ng MMDA.
Nananatiling tigil-operasyon ang mga pampublikong sasakyan sa buong Metro Manila dulot pa rin ng umiiral na modified enhanced community quarantine para kontrahin ang lumalaganap na coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kaya naman ang mga indibidwal na walang shuttle service ay nagdesisyong maglakad o magbisikleta para lamang makapasok sa kani-kanilang trabaho.