Lalaki, patay 2 araw matapos ikasal; higit 80 bisita, nagpositibo sa COVID-19

(Shutterstock)

INDIA – Patay ang isang lalaki dalawang araw matapos siyang ikasal habang 86 bisita naman ang kumpirmadong may COVID-19.

Inireport ng the Hindustan Times na bago sumapit ang kasal ng 30-anyos na lalaki noong Hunyo 15, nakakaranas na raw ito ng pagtatae at mataas na lagnat.

Sa kabila ng iniindang kalagayan, pinagpatuloy pa rin ang seremonya dahil sa pagpupumilit umano ng pamilya nito.


Pinaninom ng painkiller ang lalaki para makarating sa kasal na dinaluhan ng mahigit 360 bisita sa Paliganj.

Makalipas ang dalawang araw, lumala ang kondisyon nito at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Agad daw na-cremate ang katawan ng lalaki kahit hindi napatunayang positibo ito sa virus.

Samantala, agad namang sumailalim sa test ang kanyang mga kaanak kung saan 15 ang nakumpirmang may sakit.

Dahil dito, dumaan sa test ang lahat ng naging bisita ng seremonya kung saan 86 din ang nagpositibo.

Negatibo naman ang resulta ng test sa asawa ng naturang lalaki.

Ayon sa isang kaanak na negatibo sa sakit, ang kanilang lugar ay naiulat umano na COVID-free kaya hindi nila akalain ang mga pangyayari.

Sa pahayag naman ng opisyal ng lugar, ipinasara na nila ang ilang bahagi at kalapit na parte ng Paliganj para masigurong maagapan ang pagkalat ng virus.

Facebook Comments