Lalaki, Binaril-Patay ng Gwardiya sa Bisperas ng Pasko!

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang lalaki matapos itong barilin ng nakatalagang security guard ganap na alas 10:00 kagabi partikular sa harap ng kainan (Mang Inasal) sa Brgy. 03, San Mateo, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Carlos Bueno, residente ng Brgy. Salinungan West, San Mateo, Isabela habang ang suspek ay nakilalang si Rommel Sabban, sekyu ng kilalang kainan at residente ng Brgy Gaddanan, San Mateo, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSSgt Mario Lopez, imbestigador ng PNP San Mateo, habang naka-duty ang suspek ay nilapitan ito ng biktima at nagkaroon ang mga ito ng mainit na pagtatalo.


Pagtalikod ng suspek ay biglang bumunot ng itak ang biktima at isinaksak sa likuran ng suspek.

Agad namang dumepensa ang suspek at binunot ang kanyang service firearm na Caliber 9mm at ipinutok ng dalawang beses sa ulo ng biktima na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Ayon pa sa imbestigador, ‘love triangle’ ang kanilang nakikitang motibo sa insidente dahil mayroon umanong relasyon ang asawa ng biktima sa suspek.

Sa ngayon ay ‘under observation’ pa sa pagamutan ang suspek matapos na magtamo ng malalim na sugat sa kanyang likod.

Dagdag pa ng imbestigador, posibleng maharap sa kasong Murder o Homicide ang suspek.

Facebook Comments