Lalaki, patay matapos barilin ng kasamahang mangangaso nang mapagkamalang usa

Isang 17-anyos na lalaki ang namatay matapos mabaril nang mapagkamalang usa ng kapwa niya mangangaso sa isang gubat sa Georgia.

Kinilala ang biktima na si Bobby Lane, na aksidenteng nabaril ng kanyang kasamang si Hector Romero.

Ayon sa Glynn County Sheriff’s Office, nangyari ang insidente sa Myers Hill Road, na matatagpuan sa Brunswick.


Isang grupo umano ng mga mangangaso ang nagsama-sama at nagkita sa Myers Hill area para maghanap at mangaso sa araw na nangyari ang insidente.

Batay sa ulat ng pulisya, napagkamalang usa ni Hector si Bobby kaya agad itong nagpaputok ng baril at sa kasamaang palad, nabaril niya ang biktima.

Humingi umano ng tulong si Hector sa pinakamalapit na gas station ng lugar kung saan agad naman silang nakatagpo ng mga emergency responders.

Ngunit kalaunan ay nasawi rin si Lane dahil sa injuries na tinamo nito sa ospital kung saan siya tinakbo.

Ayon sa pinsan ng biktima na si Michael Rawling, si Lane ay mayroon umanong ‘heart of gold’.

“You don’t expect anything like this to happen to a child,” sabi niya.

Napakahirap raw para sa kanila na tanggapin ang nangyari.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon sa pagtutulungan ng Glynn County Investigators at Georgia Department of Natural Resources.

Pahayag pa ng departamento, pana lamang ang papayagan nilang gamitin ng mga deer hunters matapos ang pangyayari.

Ibabalik na lamang umano ang paggamit ng baril sa susunod na buwan.

Kasalukuyan pang inaalam kung may kasong isasampa sa nangyaring insidente.

Facebook Comments