
Cauayan City – Binawian ng buhay ang isang 65-anyos na lalaki matapos suntukin at hampasin ng water bottle ng anak ng kinakasama nito sa Brgy. Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ayon sa ulat, bandang alas sais ng umaga nitong ika-25 ng Marso, lasing na umuwi ang 46-anyos na suspek matapos ang magdamag na pakikipag-inuman.
Nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang biktima at suspek na nauwi sa pisikalan kung saan sinuntok at pinukpok umano ng suspek ang kanyang amain sa ulo gamit ang stainless na lagayan ng tubig.
Agad namang rumespunde ang mga barangay tanod matapos humingi ng tulong ang kanilang mga kapitbahay nang marinig ang pagtatalo ng dalawa.
Sinubukan pang dalhin sa pagamutan ang biktima subalit dahil sa tindi ng pinsalang tinamo ay binawian ito ng buhay.
Ayon sa hepe ng Bagabag Police Station, tila wala umano sa tamang pag-iisip ang suspek at maging sa kulungan ay nagwawala ito.
Bagama’t wala namang problema sa pag-iisip, posible naman umanong may pinagdadaanan ito dahilan ng kanyang palagiang pag-inom ng alak at hindi na nakakatulog.
Samantala, sasampahan ng kasong Homicide ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng Bagabag PS.