Thursday, February 5, 2026

LALAKI, PATAY MATAPOS MABANGGA NG KOTSE ANG MINAMANEHONG MOTORSIKLO SA ROSALES

Patay ang isang lalaki matapos masalpok ng isang kotse ang minamaneho nitong motorsiklo sa bayan ng Rosales, Pangasinan.

Naganap ang vehicular traffic incident bandang alas-onse ng gabi noong Pebrero 4, 2026 sa kahabaan ng provincial road ng Barangay Zone II, Rosales.

Ayon sa paunang imbestigasyon, tinatawid ng motorsiklo na minamaneho ng isang 48-anyos na lalaki at residente ng Balungao, Pangasinan ang interseksiyon mula kanluran patungong silangan nang aksidenteng mabangga ng isang kotse na patungong hilaga.

Dahil sa lakas ng pagkabangga, tumilapon ang motorcycle rider at nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan. Agad siyang isinugod sa pagamutan ngunit idineklara nang dead on arrival.

Ang kotse ay minamaneho ng isang 67-anyos na lalaking negosyante at residente ng Gamu, Isabela, kasama ang isang 45-anyos na babaeng pasahero na residente rin ng nasabing bayan. Hindi naman sila nasaktan sa insidente.

Nagtamo ng pinsala ang parehong sasakyan na hindi pa matukoy ang halaga ng pagkukumpuni. Dinala ang mga ito sa Rosales Municipal Police Station para sa wastong disposisyon habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Facebook Comments