Cauayan City, Isabela- Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang lalaki matapos itong mabilaukan habang namumulutan mag-isa sa isang bahay-inuman sa Lungsod ng Cauayan.
Kinilala ang biktima na si Alfredo Ayuman, 63 anyos, may asawa, isang electrician na residente ng Brgy. District 1 sa nasabing lungsod.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginang Catalina Ayuman, misis ng biktima, umuwi pa ito ng kanilang bahay at inakalang nagpahinga ito sa kanilang kubo.
Ngunit ilang sandali pa ay nakatanggap ang misis ng impormasyon mula sa kanilang kaanak na patay na ang kanyang mister.
Nakuha naman ng doktor mula sa lalamunan ng biktima ang ilang piraso ng karne.
Nagpaalala naman si Ginang Catalina sa iba na maging aral ang nangyari sa kanyang mister.