Lalaki, patay matapos maipit sa truck na tinangkang sampahan

Dead on the spot ang isang lalaki matapos umanong maipit sa pagitan ng truck at hila nitong container van nang magpumilit sumampa sa naturang sasakyan, Martes ng gabi sa Tondo, Maynila.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente pasado alas-10:30 ng gabi sa panulukan ng H. Lopez Boulevard at Rodriguez Street.

Pahayag ng drayber na si Jonas Delina, tinatahak niya ang kahabaan ng H. Lopez Boulevard nang bigla umanong sumampa sa truck ang biktima.


Nang makarating sa garahe ay nagmaniobra ang tsuper, pero hindi niya raw alam na naroon pa pala ang nasawing indibwal dahilan para maipit ang katawan nito.

Napansin na lamang nila ng kasamahang pahinante ang katawan ng lalaki matapos makaparada.

Patuloy na tinutukoy ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima at pinag-aaralan pa kung sasampahan ng kaso ang truck driver.

Facebook Comments