LALAKI PATAY SA BANGGAAN NG TRICYCLE AT VAN SA POZORRUBIO

Patay ang isang lalaki matapos masangkot sa banggaan ng isang tricycle at isang van sa national road ng Barangay Bobonan, Pozorrubio, Pangasinan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang motorsiklong tricycle na minamaneho ng 34-anyos na lalaki mula sa San Jacinto ay bumibiyahe pa-timog ngunit nasa inner lane ng rutang pa-hilaga.

Samantala, ang van na minamaneho ng isang 35-anyos na lalaki mula sa Sison ay patungo naman sa hilaga at nasa parehong lane ng kalsada.

Pagdating sa lugar ng insidente, nagbanggaan ang dalawang sasakyan sa gitna ng kalsada.

Dahil sa lakas ng impact, kinaladkad ng van ang tricycle na naging sanhi ng pagkakatapon at pagbagsak sa kalsada ng driver nito.

Agad na isinugod sa Pozorrubio Community Hospital ang biktima upang malapatan ng lunas, ngunit idineklara itong dead on arrival.

Ayon sa pulisya, nasa ilalim umano ng impluwensiya ng alak ang driver ng tricycle sa oras ng insidente.

Hindi naman nasugatan ang driver ng van, habang kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyang sangkot.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at tinutukoy ang kabuuang halaga ng danyos.

Facebook Comments