Nasawi sa pagkahulog ang isang lalaki matapos umanong subukang mag-handstand malapit sa sinkhole sa sikat na tourist spot sa South Australia.
Kinilala ang bitimang si Bradley Streeter, na nasa viewing platform ng Cave Gardens sinkhole sa Mount Gambier City nang mangyari ang insidente, Pebrero 8.
Kasama ng 20-anyos ang kanyang mga kaibigan nang gawin ang mapangahas na stunt sa barandilya ng kuweba, sanhi ng pagkahulog nito nang 98-talampakan, ayon sa awtoridad sa ulat ng New York Post.
Rumesponde sa lugar ang kinauukulan bago maghatinggabi, at narekober ang katawan ni Streeter bandang alas-3 ng umaga noong Linggo, batay sa pulisya.
“It’s one of the focal points of the Limestone Coast. It certainly is a tragedy,” pahayag ni Limestone Coast LSA inspector Campbell Hill na nagsabing walang foul play na nangyari.
Noong 2005, isang 21-anyos na lalaki naman ang masuwerteng nabuhay matapos mahulog nang halos 33-talamapakan sa sikat na tourist attraction makaraang tumalon sa harang upang makita nang malapitan ang sink hole.
Kasunod ng insidente, pinahayag ni Mount Gambier Mayor Lynette Martin sa ABC News, na kailangan pag-aralan muli ang public safety regulations sa Cave Gardens sinkhole.