LALAKI, PATAY SA PANANAKSAK NG KANYANG BAYAW

CAUAYAN CITY- Binawian ng buhay ang isang lalaki matapos walang habas na pagsasaksakin ng bayaw nito sa Brgy. Dolowog, Alfonso Lista, Ifugao.

Kinilala ang biktima na si Criston Mongao, 39-anyos, at residente ng nasabing lugar habang ang suspek ay si alyas “Jun”, 51-anyos, at residente ng Paracelis, Mountain Province.

Ayon sa PNP Alfonso Lista, nagtungo ang live-in partner ng biktima sa kanilang himpilan upang ipagbigay alam ang karumal-dumal na sinapit ng biktima.


Ayon sa live in partner ni Mongao, natutulog sila nang magtungo ang suspek sa kanilang tahanan at dito nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa na nauwi sa suntukan kung saan biglang humugot ang suspek ng itak sa kanyang baywang at tinaga ang biktima sa kanyang likod.

Pagkatapos nito ay hindi pa nakuntento ang suspek at sinasaksak ang biktima ng ilang beses sa kanyang dibdib.

Matapos ang krimen, dali-daling umalis ang suspek sa pinangyarihan ng insidente at kasalukuyan parin ang isinasagawang hot pursuit operation ng PNP Roxas, PNP Paracelis, at PNP Alfonso Lista.

Facebook Comments