Lalaki, Pinagsasaksak gamit ang Gunting sa Cauayan City!

Cauayan City, Isabela- Pinagsasaksak ang isang karpentero gamit ang isang gunting sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City matapos na dumalo sa isang selebrasyon pasado alas dos kahapon, July 2, 2019.

Kinilala ang biktima na si George Molina, 47 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Labinab habang nakilala naman ang suspek na si Ernesto Pascua, 34 anyos, may asawa, isang private employee na residente ng RC Bañez Subdivision, District 1 na kapwa nakatira sa nasabing lungsod.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Cauayan, dumalo ang biktima at asawa ng suspek sa isang binyag sa bahay ng nagngangalang Joy Telan at ilang sandali pa ay sinundan sila ng suspek at doon na nagtalo ang biktima at suspek kung kaya’t tumakbo ang biktima at agad namang sinaksak ng suspek ang ibabang bahagi ng likuran ng biktima gamit ang gunting.


Isinugod naman ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan para sa paunang lunas habang mabilis na tumakas ang suspek.

Ayon pa sa imbestigasyon, pasado alas tres ng hapon sa parehong araw ay boluntaryong sumuko ang suspek kay Francisco Evangelista, Chief Tanod ng Brgy. District 1 at ipinasakamay ang suspek sa pulisya para sa kaukulang imbestigasyon habang ang ginamit na gunting ay hindi na narekober pa ng pulisya.

Nahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Murder kaugnay sa pananaksak sa biktima.

Sa ngayon ay nagpapagaling na ang biktima habang nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon.

Facebook Comments