Muntik nang mamatay ang isang lalaki matapos pasukan ng bulate sa ari at magsimulang mangitlog makaraang maligo sa Lake Malawi sa southeast Africa.
Nagkaroon ng schistosomiasis o snail fever ang Briton na si James Michael, 32, kasunod ng pinangarap na bakasyon, ayon sa ulat ng The Sun, Nob. 15.
Agosto 2017 nang bisitahin ni Michael ang Africa kasama ang mga kaibigan.
Nilibot ng grupo ang Zambia, Zimbabwe, bago nagtungong Malawi sa loob ng limang araw.
Inaraw-araw ng magkakaibigan ang paliligo at pamamangka sa Lake Malawi bago lumipad pabalik sa United Kingdom.
Makaraan ang dalawang buwan, nakaramdam ng pamamanhid ng mga binti si Michael na inakala niyang dahil lamang sa pagbibisikleta.
Bumisita na sa ospital si Michael nang maging ang simpleng pag-akyat sa hagdan ay ikinapapagod niya na.
Niresetahan siya ng antibiotics at pinauwi, ngunit matapos ang isang linggo ay lumala ang kanyang karamdaman kaya bumalik siya sa Chelsea and Westminster Hospital.
Ayon kay Michael, lumabas sa pagsusuri ng kanyang dugo na inaatake ng immune system ang kanyang gulugod na dahilan ng panghihina ng kanyang mga binti.
Sumailalim umano siya sa anim na buwang steroids para labanan ang panghihina, ngunit hindi naman nalaman ng ospital ang ugat ng karamdaman.
Nalaman lamang ni Michael na pinasok siya ng parasitiko sa ari at pinangitlugan nang magpatingin siya sa Hospital for Tropical Diseases.
Disyembre nang madiskubreng may schistosomiasis ang pasyente, impeksyong dulot ng bulateng nakatira sa tubig-tabang at karaniwang matatagpuan sa tropikong lugar tulad ng Africa.
Sa oras na makapasok sa katawan ang bulate, pumupunta ang mga ito kadalasan sa atay at sa bituka at doon nangingitlog.
Niresatahan si Michael ng praziquantel para pamatay ng bulate, ngunit ayon sa doktor ay 30 porsyente lang tyansa ng tuluyan niyang paggaling.
Sa loob ng tatlong buwan ay kinailangang mag-wheelchair ni Michael, at apat na buwan namang nakasaklay hanggang sa Abril ngayong taon.
Nakaranas din siya ng pagkalat ng acne sa likod at sa mga braso na epekto ng steroids at diarrhea.
Nabanggit din ni Michael ang mga pagkakataong nahihiya siya dahil hindi siya makadumi nang maayos.
Dumaan din ang pagkakataong hindi niya mayakap ang nobya sa sobrang sakit ng kanyang katawan.
“This has been horrendous. It’s felt like a never-ending mountain I’ve had to climb,” ani Michael.