Pinatay at sinunog ng isang lalaki sa Java, Indonesia ang katrabahong babae na pumupuna sa kanyang pangangatawan.
Napuno na raw si Ali Heri Sanjaya sa pagtawag sa kanya ng “mataba” kaya pinlano niya ang pagpatay sa kinilalang si Rosidah, ayon sa Asia One.
Tinatawag umano ng biktima ang 27-anyos suspek na sumo wrestler o paminsa’y ikinukumpara kay Boboho, matabang artista sa China.
Noong Enero 24, nakiusap si Sanjaya kay Rosidah, na nakatira sa parehong lugar, na i-angkas siya sa motorsiklo pauwi.
Pagdating sa taniman ng mga niyog, doon na umano sinakal ng lalaki ang biktima, saka binuhasan ang katawan nito ng gasolina at siniliban.
Umalis si Sanjaya dala ang motor at cellphone ng biktima na ibinenta niya sa halagang 5,250,000 rupiah (halos P20,000).
Natagpuan kinabukasan ang bangkay ni Rosidah, pati na ang kanyang helmet, habang naaresto naman sa isang hotel ang suspek noong Enero 28.
Ayon sa Banyuwangi Police sa ulat ng Kabar Jawa Timur, planado na ang krimen isang linggo bago ito isinagawa.
Sa Indonesia, may parusang 20 taon hanggang pang-habambuhay na pagkakakulong ang kasong pagpatay.
Samantala sa isang Facebook video, makikita si Sanjaya sa loob ng kulungan habang kumakain na tila hindi nababahala sa nangyari.