Lalaki sa Ilagan City, Isabela, Sinaksak Matapos Makipag-alitan!

Ilagan, Isabela- Kasalukuyang nagpapagaling ngayon sa isang pagamutan ang isang lalaki matapos saksakin ng kanyang kapit-bahay sa Barangay Fuyo, Ilagan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Rufino Ramos, singkwenta’y nuebe anyos, may asawa, samantalang ang suspek naman ay kinilalang si Joel Binabise, sisenta’y kwatro anyos, may asawa at pawang mga residente ng nasabing bayan.

Batay sa impormasyong ipinagbigay alam ng PNP Ilagan, lumalabas sa kanilang pagsisiyasat, habang namimitas ang biktima sa kanyang gulayan ay lumapit ang suspek hanggang sa magkaroon sila ng mainitang pagtatalo.


Dahil sa kanilang pagtatalo ay agad na sinaksak ni Binabise ng dalawang beses sa bahaging pwetan si Ramos gamit ang isang kutsilyo na agad namang isinugod sa pagamutan.

Sa ngayon ay nahaharap sa kasong Attempted Homicide si Binabise matapos itong isailalim sa inquest proceedings kahapon.

Facebook Comments