Lalaki sa Iloilo, nasagasaan ng bus na may sakay na repatriated OFW

Courtesy Passi City Police Station | RMN Iloilo

ILOILO – Isang motorista ang nasawi matapos masagasaan ng bus sa tulay na Jalaur, Brgy. Man-it, Passi City nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Gonzales, 52-anyos, residente ng Poblacion Ilawod sa nasabing siyudad.

Ayon kay Police Lt. Col. Jose Badilla, hepe ng PNP-Passi City, nagmamaneho ng motorsiklo ang biktima nang mahagip ng Ceres bus dakong alas-6:15 ng gabi.


Hindi man lang daw huminto ang bus, na may lulan na mga repatriated overseas Filipino worker (OFW) patungong Roxas City, upang tulungan si Gonzales, base sa salaysay ng mga saksi.

Naisugod pa ang lalaki sa Don Valerio Palmares Senior Memorial District Hospital pero idineklara rin dead on arrival ng mga doktor doon.

Sa tulong ng mga testigo ay nakuha ng kinauukulan ang body number at plate number ng bus na nakabangga.

Samantala, sumuko na nitong Miyerkoles ng umaga ang driver ng Ceres bus na si Rodjean Datar, 31 taong gulang.

Paliwanag ng suspek, hindi umano niya napansin ang motorsiklo ni Gonzales. Nalaman na lang daw niya ang insidente nang ipatawag sa kanilang opisina sa Brgy. Buhang, Jaro Iloilo City.

Nahaharap ngayon si Datar sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Facebook Comments