Lalaki sa Nueva Ecija, arestado matapos magtangkang tumakas sa checkpoint at makumpiskahan ng baril

Isang lalaking lulan ng motorsiklo ang inaresto ng mga pulis ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) matapos tangkaing tumakas sa isinagawang anti-criminality checkpoint sa Barangay Calipahan, Talavera kagabi.

Sa ulat mula sa Talavera Police Station, nagsasagawa ng random inspection ang mga pulis nang mapatigil ang isang metallic gray Yamaha Mio Sporty.

Sa halip na huminto, pinaharurot ng suspek ang kanyang motorsiklo na nauwi sa maikling habulan. Agad siyang naabutan at dinakip ng mga awtoridad.

Sa isinagawang inspeksyon sa kanyang motorsiklo, natagpuan ng mga pulis ang isang kalibre .38 na Ranger revolver na may lamang dalawang bala.

Ang naturang baril ay nakatago sa compartment ng motorsiklo.

Dahil dito, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, bukod pa sa naunang paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents of such Person.

Ayon kay PCol. Heryl “Daguit” L. Bruno, Provincial Director ng NEPPO, patuloy nilang pinapaalalahanan ang publiko sa panganib at legal na kahihinatnan ng ilegal na pagdadala ng baril.

Aniya, hindi sila mag-aatubiling ipatupad ang batas sa sinumang lalabag dito.

Facebook Comments