Lalaki, sinaksak ng kapatid matapos umanong ‘di magbigay ng pang-alak mula sa SAP

901

Sugatan ang isang lalaki matapos tarakan ng sariling kapatid na tinanggihan nitong bigyan ng pambili ng alak mula sa ayudang natanggap sa social amelioration program (SAP), sa Aklan, Huwebes ng gabi.


Kinilala ang biktima na si Michael John Merto, 35, at suspek na si Modelo Merto, 47, kapwa residente ng Barangay New Buswang, Kalibo.

Ayon sa Kalibo police, nakainom na ang suspek nang humingi ito ng pambili ng alak mula sa natanggap nilang ayuda, ngunit tumanggi ang biktima.

Nagkainitan ang dalawa hanggang sa kumuha ng patalim ang nakatatandang Merto at sinaksak ang kapatid na tinamaan sa kaliwang kamay.

Nilapatan ng lunas ang biktima, habang dinakip naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek.

Facebook Comments