Pinalagan ng isang lalaki sa Australia ang buwayang kumagat sa kanyang binti at bandang singit nitong Sabado, Oktubre 26.
Nangangaso ang 42-anyos na si Elston Lami Lami sa Croker Island kasama ang isang kaanak at dalawang alagang aso nang mangyari ang insidente, ayon sa ulat ng 9News.
Kuwento ng biktima, umatake ang buwaya na may habang 16-talampakan matapos niya itong mapagkamalang troso at maapakan habang naglalakad-lakad sa mababaw na bahagi ng tubig.
Nakatayo raw si Lami Lami sa likuran ng buwaya nang mga 15 segundo bago ito bumalikwas dahilan para tumilapon siya sa pampang.
Kasunod nito, hinatak umano siya ng buwaya kagat-kagat ang kaliwa niyang binti.
Bahagyang umatras at lumuwang ang kapit ng buwaya nang sipain daw ni Lami Lami ang ilong nito nang tatlong beses.
Nang subukang kumawala ng biktima, sa bandang singit naman daw siya nito kinagat kaya pinagsusuntok niya naman ang bibig nito.
Matindi ang pagdurugo ng mga tinamong kagat ni Lami Lami habang tumatakbo papalayo sa buwaya.
Nang makabalik sa kanyang sasakyan matapos ang 30 minutong paglalakad, uminom ng painkillers ang biktima na isinugod din sa Minjilang Community Health Centre at kalaunan ay inilipat sa Royal Darwin Hospital.
Ayon kay Lami Lami, ang kanyang dalawang anak ang nagpalakas ng loob niyang kumawala sa atake ng buwaya.
“If it wasn’t for my kids, I wouldn’t be alive right now,” aniya.