Sugatan ang isang construction worker matapos tamaan ng espada ang kanyang kaliwang kamay at mga daliri noong Sabado ng hapon, Pebrero 21, sa Brgy. Capataan, San Carlos City, Pangasinan.
Ayon sa ulat, nagsimula ang insidente sa harap ng bahay ng suspek, na isa ring construction worker, nang hamunin umano ito ng suntukan ng biktima.
Nauwi sa mainit na pagtatalo ang dalawa hanggang sa maghabulan. Sa gitna ng komosyon, kumuha ng espada ang suspek at hinampas ang biktima.
Tinangka ng biktima na salagin ang palo gamit ang kanyang kamay, na naging sanhi ng pagkasugat nito.
Agad namang naagapan ng kapulisan ang sitwasyon at dinala sa pagamutan ang biktima habang inaresto ang suspek. Narekober din ang ginamit na espada na may habang 32 pulgada.
Sasampahan ng kasong Frustrated Homicide ang suspek kaugnay ng insidente.










