Thursday, February 12, 2026

LALAKI SUGATAN MATAPOS MABANGGA NG TRUCK ANG NAKAPARADA NITONG MOTORSIKLO SA BACNOTAN, LA UNION

Sugatan ang isang lalaki matapos mabangga ng isang truck ang nakaparada nitong motorsiklo sa Barangay Baroro, Bacnotan, La Union, alas-siyete ng umaga noong Pebrero 11, 2026.

Batay sa imbestigasyon, minamaneho ng isang 54-anyos na babaeng bus driver mula Santo Tomas, La Union ang isang truck bus at binabagtas ang kalsada patungong hilaga.

Samantala, nakaparada naman sa outer lane ng northbound side ang isang motorsiklo na minamaneho ng 30-anyos na lalaking tindero na kasalukuyang residente ng San Fernando City.

Pagsapit sa lugar ng insidente, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng truck na naging sanhi upang mabangga ang nakaparadang motorsiklo.

Dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat ang rider ng motorsiklo habang hindi naman nasaktan ang driver ng truck. Pareho silang dinala sa Bacnotan District Hospital para sa agarang gamutan at pagsusuri.

Nagtamo rin ng pinsala ang dalawang sasakyan na kasalukuyan pang tinutukoy ang halaga ng pagkasira. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.

Facebook Comments