
Naaresto ng mga awtoridad ang isang 38-anyos na lalaki matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng lokal na pulisya katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency – Region 1 (PDEA-RO1) sa San Fabian, Pangasinan.
Isinagawa ang operasyon na nagbunga ng pagkakadakip sa suspek, isang binata, walang trabaho, at residente ng nasabing bayan.
Sa operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang 0.54 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱3,672, na nakapaloob sa dalawang heat-sealed transparent plastic sachet. Bukod sa ilegal na droga, narekober din ang iba pang ebidensiya kabilang ang isang tunay na ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang modernong pakete ng sigarilyo, lighter, at ilang personal na salapi na binubuo ng tatlong ₱100 bill at isang ₱50 bill.
Agad namang isinagawa ang inventory at marking ng mga ebidensiya sa lugar ng insidente, sa harap ng suspek at ng mga itinatakdang mandatory witnesses, alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Fabian MPS at haharap sa kaukulang kaso kaugnay ng paglabag sa batas laban sa ilegal na droga. Patuloy namang pinaiigting ng kapulisan ang kanilang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










