Lalaki, Timbog sa Pag-iingat ng mga Iligal na Baril at Bala!

347

*San Pablo, Isabela-* Kalaboso ang isang Drug Identified na lalaki matapos masamsaman ng mga iligal na baril at bala sa Brgy Dalena, San Pablo, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Julian Mamauag, 46 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng nabanggit lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, bandang 5:30 kaninang umaga nang ikasa ng mga otoridad ang Search Warrant Operation kay Mamauag na ipinalabas ni hukom Felipe Jesus Torio II ng RTC Br 22 Cabagan, Isabela.

Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang isang M16 Rifle, isang Cal 45 pistol, walong magazine ng M16, tatlong magazine ng Cal 45, isang Bandolier, isang hand radio, dalawang holster, tatlong piraso ng bala ng Cal 38, limang piraso ng bala ng Cal 22, isang ammo case ng Cal 45, 50 piraso na live ammo ng Cal 45 at 185 piraso na bala ng Cal 5.56 mm.

Napag-alaman rin ng mga otoridad na si Julian Mamauag ay kapatid ng napatay na si Rey Mamauag na lider ng Rey Mamauag Gang na nag-ooperate sa Isabela at Cagayan na hinihinalang sangkot sa naganap na panloloob sa isang bangko, panghoholdap at pamamaril sa dalawang Lalawigan.

Nasa kustodiya na ng San Pablo Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments