Lalaking 4 na araw nang nawawala, natagpuang patay

378

Hustisya ang panawagan ng mga kaanak ng 21-anyos na lalaki na natagpuang patay sa isang damuhan sa Purok 8, Barangay Bonbon, Butuan City.


Nakilala ang biktima bilang si Elvis “Aga” Bersabal Jr., residente ng Barangay San Vicente, na ayon sa kaniyang pamilya ay apat na araw nang nawawala.

Naaagnas na ang bangkay ng lalaki nang marekober ng mga tauhan ng Butuan City Police at Bureau of Fire Protection (BFP) rescue team, madaling araw noong Martes.

Pahirapan din umano ang pagkuha sa labi ni Bersabal bunsod ng malakas na ulan sa lugar.

Ayon sa mga otoridad, posibleng patay na ang lalaki nang itapon sa naturang pampang.

Sa paunang imbestigasyon, lumabas din na nagtamo ng head injury o matinding pinsala sa ulo ang biktima, indikasyon na may tumamang malaki o mabigat na bagay sa mukha nito.

Agad daw nag-report sa kinauukulan ang pamilya nang hindi umuwi ang biktima sa bahay matapos magpaalam na tataya sa online sabong.




Huling nakita si Bersabal sa tapat ng gasolinahan sa Barangay San Vicente at sumakay sa puting Toyota wigo dakong ala-una ng hapon noong Agosto 7.

Facebook Comments