Dumulog sa Aguilar Police Station ang isang lalaki na residente ng Dagupan City, matapos matuklasan na nawawala ang kanyang motorsiklo na ipinarada habang pumapasyal sa Maples River sa Brgy. Buer, Aguilar, Pangasinan, alas singko ng hapon noong Linggo, Marso 15.
Sa imbestigasyon, bandang alas diyes ng umaga ay nagtungo ang may-ari sa Maples River kasama ang kanyang kaibigan at walo pang kasama upang mamasyal.
Dumating umano ang may-ari sakay ng kanyang dark red na motorsiklo na walang plaka at ipinarada ito sa ilalim ng puno matapos magbayad ng parking fee sa lugar.
Gayunman, pagsapit ng alas singko ng hapon, nang bumalik ang may-ari ay wala na umano ang motorsiklo nito.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya at nakipag-ugnayan na sa mga karatig barangay upang suriin at balikan ang mga kuha ng CCTV na maaaring makatulong sa pagtukoy kung sino ang kumuha ng naturang motorsiklo.
Sa pakikipag-ugnayan ng IFM News Dagupan sa himpilan, hindi pa umano natatagpuan ang motorsiklo, dahilan ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








