
Isang insidente ng pananaksak ang naganap dakong 2:30 AM noong Nobyembre 28, 2025, sa bayan ng Dasol na nagresulta sa pagkakasugat ng isang delivery rider at pagkakaaresto ng suspek.
Kinilala ang biktima bilang isang 27 anyos na delivery rider, at residente ng Dasol. Ang suspek naman ay isang 24 anyos na kapwa residente ng nasabing bayan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nag-iinuman ang biktima kasama ang dalawa nitong kasamahan sa lugar nang dumating ang suspek at kasama nitong umano’y lasing din.
Nilapitan ng suspek ang biktima at agad itong kinausap nang may pagtatalo, hanggang sa humantong ito sa mainit na alitan. Sa kasagsagan ng pagtatalo, apat na beses sinaksak ng suspek ang biktima gamit ang isang patalim na hindi pa natatagpuan hanggang sa ngayon.
Nagtamo ang biktima ng mga sugat dulot ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at mabilis na dinala sa pagamutan para sa agarang lunas.
Samantala, sinasabing ang matagal nang alitan ang motibo sa ginawang pananaksak.
Dinala ang suspek sa Dasol MPS para sa wastong disposisyon, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at paghahanap sa ginamit na patalim.









